Friday of the Second Week of Easter
April 12, 2013
Habang naglalakad sa init ng araw, isang txt message ang bumungad sa aking telepono. Nangungusap ang mga salita nito, sinusubok ang aking pananampalataya.
"Who is Jesus?"
Isang pagtataka ang hindi ko lubos maisip kung bakit ito ang katanungang pumasok sa isip ng kung sinuman ang nagpadala ng mensaheng ito. Habang sa pagbaba ng cusor ng aking cellphone, nakita ko kung paano nito ipakilala si Hesus sa iba'ibang aspeto at disiplina ng pag-aaral. Si hesus sa mundo ng Matematika, si Hesus sa mundo ng Agham ngunit isa ang pumukaw at kumuha ng aking pansin, si Hesus sa mundo ng Ekonomiks.
"Who is Jesus?
In Economics, He fed 5,000 people with 5 loaves of bread and 2 fishes"
Nakakatuwang isipin na sa isang pangyayari sa buhay ng ating Panginoon ay nagawang mai-ugnay pa ang mga bagay na ito sa Kanya.
Madalas, kung papansinin natin isa itong himala. Himala na sa pamamagitan ng kakarampot na pagkain ay may matitira pa matapos pakainin ang limang libong tao. Ngunit sa likod ng kakaibang naganap na ito sa buhay ng ating Panginoon, Siya ay nagpakita rin ng tatlong mahahalagang aral na dapat nating isabuhay.
Una: Magpasalamat
Sa ating ebanghelyo, matapos tanggapin ang mga isda at tinapay, Siya ay nagpasalamat. Isang magandang halimbawa ito para sa atin na dapat nating alalahanin na sa bawat bagay o pagkain na ating natatanggap ay dapat tayong magpasalamat sa Diyos. Kung tayo ay magpapasalamat, tayo ay bibigyan ng higit pa sa ating kinakailangan.
Pangalawa: Magbigay
Ipinakita ng ating Panginoon kung paano natin dapat isabuhay ang pagbibigayan sa bawat isa. Makihalubilo, makibahagi at pakikisama ang isa sa mga mahahalagang bagay na dapat taglayin sa pagbibigayan. Sa pamamagitan nito, natututo tayong alalahanin ang bawat isa sa atin tulad ng pag-alala ni Kristo sa atin.
Pangatlo: Magpahalaga
Siguro, gasgas na gasgas na kung sasabihing dapat hindi tayo magsasayang sapagkat marami sa ating kapwa ang hindi nakakakain. Tama, at ang pangangaral na ito ay patuloy pang magagasgas lalo na't kung hindi natin sisimulang pahalagahan ang kung anuman ang ating natatanggap mula sa Kanya.
Hindi lamang sa pisikal na aspeto kumakatawan ang mga pagkaing inihain ni Kristo para sa limang libong tao noon. Ito ay kumakatawan sa kanyang salita, ang pagkain ng buhay na sa pamamagitan Niya ay ginawa Niya itong bukas para sa ating lahat. Ang pagkain ng buhay na tinatanggap natin mula sa Kanya.
Ako kaya? Hanggang saan ko kayang magpasalamat?
Sa Panginoon na Siyang nagbigay ng lahat.
Sa aking kapwa ng ginagamit Niyang kasangkapan upang ako ay mabigyan.
Hanggang saan ko kaya kayang magbigay?
Kaya ko kayang makita si Kristo sa bawat taong nakakasalubong ko sa daan?
Sa aking kapwa na walang saplot, kailan ko kaya sila mababahagian ng kasuotan?
Paano ba dapat pahalagahan ang lahat ng aking natatanggap?
Iingatan ko ba ito o pababayaan.
Matatapos lang ba ang lahat sa pagbibigay at pasasalamat.
Si Hesus ay nagpakita ng isang halimbawa kung paano maging isang ekonomista ng buhay. Tayo ay may kakayahan din kung paano ang isang maging ekonomista ng buhay na nagmula sa Kanya. Buhay na Kanyang ibinigay na dapat nating pahalagahan at pasalamatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento